By Mikka Paraiso
Published on March 9, 2020
Pinatunayan ng isang dalaga na nakaranas ng malaking pagsubok sa buhay, na kahit anong problema ang dumating sa ating buhay, ito ay ating malalampasan basta’t kasama natin ang Diyos.
Si Darlene Cervantes ay 20 taong-gulang, isang mabuting anak, kapatid at kaibigan. Siya ay pangatlo sa tatlong magkakapatid at kasalukuyang nag-aaral ng BS Accountancy sa isang pribadong paaralan. May talento siya sa pag-aawit at pagsayaw. Kilala din siya bilang isa sa magaling na mag-aaral, sa katunayan, nagtapos siya sa senior high na with high honor o valedictorian. Marami rin ang humahanga sakaniya hindi lamang dahil sa isa siyang magaling na estudyante kundi pati na rin sa pagkakaroon niya ng magandang mukha. Isa pa sa katangian niya ang pagiging palakaibigan at pagkakaroon ng takot sa Diyos.
Simple lang ang pangarap ni Darlene, yun ang mapasaya niya ang kaniyang mga magulang. Ayon sakanya, ” Simple lang pangarap ko. Makapagtapos, makahanap ng stable job, makatulong financially kila mama and papa. Happy life haha. Maabot ko lang yan ayos na ako. Di naman ako naghahangad ng sobrang yaman pero kung will ni God why not diba? Haha. Basta masuklian ko lang hirap ng parents ko and makita silang happy, yun na yung success sakin.”
Ang kaniyang pamilya ay may sariling business. Minsan nagtitinda ng mga isda ang kaniyang Mama at Papa pero madalas na nagdedeliver sila ng isda sa kahit saang lugar. Sinisikap ng kaniyang magulang na mabigyan sila ng magandang buhay at makapagtapos sila ng pag-aaral.
Si Darlene ay isa sa mga maswerteng tao na nakakaranas ng maayos na buhay. Ngunit sabi nga nila hindi pwede maging perpekto ang kwento ng buhay ng isang tao, kelangan makaranas din ng mga pagsubok upang malaman kung tayo nga ba’y matibay at may lakas na loob para harapin ang mga ito.
Isa sa malaking pagsubok na dumaan sa buhay ni Darlene ay ang madiagnose siya ng Congenital Heart Disease Atrial Septal Defect o butas sa puso. Kwento niya, ” 12 years old pa lang ako may naririnig ng iba sa puso ko, murmuring sabi ni doc pero di naman namin sya ganon inintindi nung time na yun. Pero nung habang lumalaki na kasi ako madali akong mapagod, nahihirapan huminga na inakala namin simpleng asthma lang. Ayun nong 17 na ako, naconfirmed na ngang may butas puso ko.”
Taong 2017, buwan ng Pebrero sila nagpacheck up sa puso. Nang malaman na may sakit, agad siya naschedule sa buwan ng Mayo para sa operasyon sa dahilan na dapat bago pa siya maging ganap na dalaga o tumungtong ng 18 years old, masarhan na ang butas ng kaniyang puso. At dahil dito siya ang minadali dahil nalalapit na rin ang kaniyang kaarawan noon.
Hindi naging madali para kay Darlene ang sitwasyon na kaniyang kinakaharap. Kailangan niya ng lakas ng loob, pasensya at pera para sa operasyon. Ayon sa kaniyang kwento, “sobrang magastos nung sa Philippine Heart Center sa QC na ako nagpapacheck up. Don kasi yung suggestion nila sa amin na Hospital. Every 3 months kasi kelangan ko pumunta dun for check up. Mahirap, nakakapagod, sobrang gastos talaga. Imagine need namin gumising ng 3 am para maaga kaming pumila sa Hospital. At kung san san na din kami humingi ng tulong pampagamot ko. Tapos naawa na ako nun sa mama ko kasi parang nanlilimos na sya mapagamot lang ako.”
Ngunit sakabila ng lahat na pinagdaanan niya at ng kaniyang pamilya, ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya ang sumuko at mawalan ng pag-asa. Ayon kay Darlene, “humingi din ako ng prayers sa mga kachurchmate ko kasi naniniwala ako meron akong pinakamagaling na doctor, at yun ay si God. Kung wala man gamot sa sakit ko, naniniwala din ako na prayers ang pinakamalakas at pinakamabisang gamot. Yun talaga pinanghahawakan ko that time. Nagtiwala lang ako sa Panginoon na papagalingin nya ako.”
Hindi nga siya nabigo dahil dininig ng Diyos ang kaniyang panalangin. Kwento niya, “nagtaka yung mga doctors kasi di na nila makita yung butas. Kahit yung murmuring na naririnig nila nawala na din. Grabe talaga yung saya na nafifeel namin nun ni mama. 10 doctors na ata tumingin dun sa result ko kasi takang taka talaga sila kasi napakaimposible na daw na magclose pa yung butas ko na di dumadaan sa operation. At ayun naclose na yung case ko.” Dahil sa kagalingan na ibinigay sakanya ng Diyos, mas lalo pang lumalim ang paniniwala ni Darlene na ang lahat ay mangyayare in God’s perfect time.
Ang kwento ni Darlene ay isa sa naging inspirasyon sa mga tao lalo na sa mga taong nakakaranas ng sakit. “God healed me.” aniya. Ang maayos na pamumuhay niya ay kaniyang ipinagpatuloy at mas lalo pa siyang kumapit sa Diyos. Isa sa mga aral na ibinigay niya ay dapat huwag tayong magtampo sa Diyos dahil sa mga nararanasan nating problema, bagkus mas kumapit tayo Sakanya dahil Siya lamang ang makakatulong sa atin para malampasan ang mga ito.







